Boom boom boom...
Isa sa mga industriyang sa amin na nanganganib nang maglaho ay ang BANDA ng mga patay. Ito ang aking biglang napagtanto noong isang araw nang bigla kong marinig ang mga dumadagundong na hampas sa mga drum, at ang matinis at malagong ng mga sari-saring hinihipang instrumento. Hindi ko na nakuhang tumingin kung meron pa rin bang mga dalagating nakamungot na nakasuot ng maiikling palda na labas ang malalaking hita na puro peklat. Hindi ko na nagawang tingnan dahil naiisip ko na -- oo nga, ngayon ko na lang ulit narinig ang elehiya ng banda. Malakas, malungkot.
Sila ba'y biktima ng industriyalisasyon? O sa malawak pananaw ng mga aktibistang makikitid ang pagiisip ay kasalanan pa rin ni Gloria (o ng kung sino mang kasalukuyang nanunungkulan) ? O hindi na swak sa modernong panlasa ng mga pilipino? O sadyang tapos na ang kanilang siglo?
Kung ano't-ano pa man, ang Banda ng mga patay ay isa sa humubog sa aking panlasa paukol sa mga tunog. Boom boom boom...