Saturday, February 9

Mr.Lozada

Sino ba 'tong Mr. Lozada na to at gusto siyang ipahuli ng Senado? Sino ba siya at kanilangan siyang itakas mula sa paliparan ng NAIA? Wow, 100% ang atensiyon ng media sa kaniya. Dinukot daw siya? Naku iba sinabi ng Malacanang.

Ahh konektado naman pala ito sa NBN-ZTE iskandal.

Napakinggan ko yung salaysay niya sa senado, wala namang bago akong nalaman, pero tumindi ang paniniwala ko na merong kinalaman si FG. Bakit gusto nilang papirmahin sa affidavit na tahasang nagpapatanggi sa kaniya na naging bahagi ng ma-anomalyang kontrata ang asawa ng pangulo?

Hmm, ang mga senador para na namang uhaw sa exposure. Talagang ang mga tanong nila ay nag uudyok at naghihikayat na idiin si FG. Hmm doon walang problema kasi nga sabi ko sa tingin ko kasangkot talaga siya. Pero ang biglang pagtalon at tila humihingi na isabit ding tahasang si GMA, tsk Sen Lacson nakaksawa ka na. Hanga ako kay Sen Pangilinan at nililinaw niya ang mga bagay na may kaugnay sa legalidad. Si Sen Escudero ganun din pero dahil oposisyon eh alam na ang ihip ng hangin. Si Sen Defensor-Santiago magaling din ang kaniyang research. Dito ako humanga kay Mr. Lozada dahil hindi niya itinangging kasangkot din siya sa mga MALILIIT na anomalya, kaya naman pala alam niya ang ibig sabihin ng "Dysfunctional Procurement" ng mga government projects kasi nakinabang din siya sa nasabing sistema. Pero tama siya, hindi yun nangangahulugan na hindi totoo ang mga binabanggit niyang nalalaman niya sa ZTE - NBN.

Si Sen Jamby Madrigal ay BASURA.

Si B. Abalos ay garapal. GARAPAL. $130 M? Sabihin na nating hindi niya yun sosolohin kasi hati sila ni FG et al. pero sobrang GARAPAL talaga.

Eto yung nirvana moment ni Mr. Lozada : na habang nasa isang mahirap na kumunidad siya sa isang bundok, nakita niya na maraming puno ng bayabas at marami itong bunga, sinabi niya sa isang katutubo na ibenta iyon at ng magkaroon siya ng pera. Ang tugon ng katutubo : hayaan na lang ang mga bunga, kasi para naman merong makain ang ibon.

Simpleng buhay. Samantalang dito sa kapatagan, hindi magkamayaw ang mga nasa katungkulan kung papaano pa makakapanlinlang ng mga tao at mapaparami ang kanilang yaman.